Di makatulog at puro hinuha ang nababatid
Isang iyak at lahat gumagalaw kahit na patagalid
May problema ka ba dito sa mumunti nating silid?
May maligno ka bang nakikita? Nais naming mabatid.
Ilang araw ng ganyan, gusto ko ng lumapit saan mang kagawaran
Hihingi ng tulong at kung wala ay magbabasa nalang sa silid-aralan
Kahit ano, kahit kanino malaman lang ang kasagutan
Gumaling ka na anak at tayo'y magsa-saranggola
Lubid ay iyong hilain at ako na ang magmamani-obra
Abutin man tayo ng mga kulisap sa takip silim ng lupa
Asahang gagabayan kita patungo sa landas kung nasaan ang tama
Larawan mong nakangiti ay tila tubig na sagot sa aming pagod
Pagod na aming dadanasin, hanggang sa makita ang pagtigas ng iyong tuhod
Galunggong man ang ihahain, kapalit ng aming kakarampot naming sahod
Ngunit tandaan, Sa iyong paglaki narito pa rin kami karugtong ng iyong pusod
Bayani kong maituturing ang mga tulad kong mga magulang
Sa pagpapalaki ng anak todo-todo na ang sakripisyong kailangan
Ubusin man ang buhay sa kahit na anong saad ng panitikan
Ikararangal naming sabihing, Anak, "Mahal ka namin at huwag mo
kaming kalilimutan".
Ito ay isang tula na entry ko sa aking kaibigang bloggero na si Bino sa kanyang pakontest na Bagsik ng Panitik.
Sa mga nais sumali, pumunta lamang DITO.